Sa kuwentong ito, tinatalakay namin ang mga panganib ng pagiging hindi nakikita bilang isang tagapag-alaga, lalo na sa gitna ng isang nakamamatay na pandemya. Lalong tumitindi ang alanganing kalagayan nila dahil hindi sila kinikilala bilang ‘manggagawa’ na may mga batayang karapatan ng kanilang mga amo, at dahil nakadepende sila sa mga amo para sa kanilang mga visa sa trabaho.
Iginuhit ni: Tuan Nini
Isinulat ni: Foong Li Mei
Iginuhit ni: Tuan Nini
Isinulat ni: Foong Li Mei
Uy, Berde. Siguro uhaw na uhaw ka na, ano? Pasensya ka na at ‘di kita nadiligan nitong dalawang linggo. Nagkasakit kasi ako, tinamaan ako ng Covid-19.
Sana nadiligan ka nina Boss o ni Ma’am. Pero mukhang hindi eh—yung ibang dahon mo naninilaw na.
Na-miss mo ba ako?
Ako, sobra kitang na-miss! Ikaw lang ang nakakausap ko dito sa bahay.
Oo, nakakatawag naman ako sa pamilya ko, pero si Boss ang may hawak ng cellphone ko at pinapayagan lang niya akong tumawag isang beses sa isang buwan, at fifteen minutes lang ‘yon.
Dati, nakakadaan ako sa palengke tuwing umaga, nakakausap ko yung mga tindera at kapwa kasambahay, pero simula nang magka-pandemya, sarado na yung palengke.
Madalas, kami lang ni Aunty ang nandito sa bahay. Si Aunty, nanay ni Boss.
Hindi mo siya nakikita kasi bedridden siya mula nang ma-stroke.
Lagi lang siya sa kwarto niya sa taas. Pero, to be honest, ayoko na ring kausapin si Aunty kasi lagi siyang masungit.
Lagi niya akong pinapagalitan kapag mabagal ako magpalit ng diaper, magpunas sa kanya, o magbigay ng gamot.
Sa totoo lang, baka nabaliw na ako kung wala ka para kausapin, Berde!
Sabi nga ng kapatid ko, baka baliw na talaga ako kasi tanim ang kinakausap ko.
Na-miss ko rin kapatid ko.
Doon ako nakitira sa kanya nung may COVID ako.Kasambahay din siya, pero sa ibang pamilya nakatira at nagtatrabaho.
Swerte ko kasi pinayagan siya ng amo niya na patirahin ako pansamantala sa lumang kwarto niya.
Lumipat kasi siya sa taas nung umalis yung panganay ng amo niya.
Maganda rin yung dati niyang kwarto, halos kasing laki ng sa akin, pero nagulat ako kasi may TV! Ang tagal ko nang ‘di nakakanood ng TV. May sariling banyo pa!
Buti na lang mabait yung pamilya ng amo ng kapatid ko.
Wala na akong ibang mapupuntahan. Nung nakita nina Boss at Ma’am na positive ako sa COVID, agad-agad nilang sinabi na hindi ako puwedeng manatili sa bahay.
Kahit sinabi kong magku-quarantine lang ako sa kwarto ko, pinilit pa rin nila na lumipat ako, kahit sa murang hotel daw.
Eh wala naman akong pera, kaya tumawag ako sa kapatid ko. Buti na lang, pinayagan ako ng amo niya na dun na lang ako pansamantala.
Pero, sakit talaga sa loob, Berde.
Ang bilis kong pinaalis nina Boss at Ma’am, kahit si Aunty naman ang pinagmulan. Siya ang unang nag-positive. Lahat nagulat kasi hindi naman siya lumalabas ng bahay.
Siguro si Boss o si Ma’am o yung mga anak ang may dala ng virus, pero asymptomatic lang. Lumayo silang lahat kay Aunty, pero ako, inutusan pa ring alagaan siya. Nagsuot ako ng face mask, sinunod ko pa rin lahat ng trabaho ko.
Pero ang hirap, Berde. Minsan nagsusuka si Aunty sa sarili niya, hindi ko siya mabuhat mag-isa para linisin. O kaya hirap siyang huminga. Hindi ko na alam ang gagawin.
Tinanong ko sina Boss at Ma’am, pero ang sabi nila, ako na bahala—ayaw nila ng abala sa ospital. Gabing-gabi, kailangan ko siyang alalayan para umubo at mailabas yung plema.
Hindi ka ba magagalit, Berde, kung ikaw yun?
Buti ka pa, hindi ka mahahawa sa COVID. Magpasalamat ka kasi sobrang sakit. Parang disyerto ang lalamunan ko, tapos parang nasusunog ang buong katawan ko.
Pero pwedeng mas malala pa—dalawa sa mga tito namin sa probinsya, namatay dahil sa virus.
Umiyak ako nung nalaman ko. Sila pa naman ang tumulong magbayad ng agency fee ko para makapunta ako dito sa Malaysia.
Ang sakit kasi ‘di ko man lang nalaman agad. Huling tawag ko sa pamilya ko, last month pa. Kahit nalaman ko man agad, hindi rin ako makakauwi para makiramay. Kung hihingi ako ng kahit ilang araw na pahinga, sigurado pagalitan ako ni Boss.
Alam mo, Berde, siguro kaya sobrang delikado ang COVID kasi hindi ito nakikita. Kung nakikita lang ito nina Boss at Ma’am, baka hindi na sila nagpa-party o labas ng labas. Ayoko na talaga maulit.
Pero parang pati ako, invisible sa kanila. Yung mga gusto at pangangailangan ko, parang walang halaga.
Tulad nung gusto ko lang naman makausap ang pamilya ko ng mas madalas. At nung humingi ako ng isang Sunday off tuwing dalawang linggo, umalis sila tapos iniwan si Aunty sa akin.
Minsan iniisip ko, invisible din yung mga ginagawa ko para sa kanila. Hindi nila ako kilala, at parang wala silang balak kilalanin ako.
Ang kausap lang nila ako kapag may kailangan, o kung may pagkakamali ako.
Para akong multo—naglilinis ng banyo, nagluluto, naglalaba, nag-aalaga ng mga bata, pati yung car porch nililinis ko, at minsan ako pa ang tubero. Lahat ng pwede kong gawin, ginagawa ko, para makapag-focus sila sa trabaho nila.
Isang beses, nagkasakit yung anak nila, tapos sabi ni Ma’am, ako raw ang dumalo sa online class para ako magturo sa bata pagkatapos. Ginawa ko naman. Tuwang-tuwa siya. Nabanggit ko na may honors ako sa high school at dapat magka-college ako.
Kaso nawalan ng trabaho si Papa. Kaya ako nagtrabaho bilang kasambahay.
Ang ending? Dinagdagan pa yung trabaho ko. Araw-araw, ako na rin ang checker ng homework ng mga anak niya.
Sinasabi ko na lang sa sarili ko, huwag magreklamo. Trabaho ko na rin ang bahay, kaya dapat mag-ingat ako. Kapag napikon ko sina Boss at Ma’am, baka pauwiin nila ako. Kailangan ako ng pamilya ko. Yung nanay ko, may operasyon sa tuhod. Yung dalawang kapatid kong lalaki, malapit na ring pumasok sa kolehiyo.
Pero alam ko, hindi dapat ganito ka-stressful ang trabaho. Sabi ng kapatid ko, may karapatan din ako. Pero pareho kaming natatakot—baka mawalan ako ng trabaho kung hihingi ako ng mas maayos na trato.
Hindi kasing bait ng amo niya sina Boss. Siya, hawak niya yung passport at cellphone niya!
Oo, madami ring linis at disinfection ang pinagawa sa kanya nung kasagsagan ng COVID—pati groceries kailangang linisin isa-isa, at yung hallway tatlong beses dinidisinfect.
Pero nararamdaman niya na naiintindihan ng amo niya na napapagod din siya. May isang araw siyang pahinga kada linggo, at gabi may oras siya para mag-relax.
Gusto ko rin nun, Berde. Isang araw na pahinga kada linggo. Yung tipong off-the-clock na talaga sa gabi, para makapahinga. Gusto ko ng ligtas na lugar na pinapahalagahan ang kalusugan ko.
Gusto ko ng amo na nakakakita sa akin bilang tao—may pangangailangan din, tulad ng pahinga, kasiyahan, kausap, at pagmamalasakit. Gusto kong makilala bilang manggagawa na may karapatang pantao.
Alam ko posible yun. Nakukuha ng kapatid ko. Pero lahat kami nakadepende kung makikita ba kami ng amo namin bilang tao. Ang hindi makita—nakakatakot, ‘di ba? Siguro naiintindihan mo rin, Berde. Dalawang linggo kang walang dilig, parang ganun din ako—walang inaalagaan, walang nakakakita.
Ay, kailangan ko na pala umalis. Sumisigaw na si Boss, nawawala na naman daw yung controller ng video game niya.
Buti na lang buhay ka pa, Berde.
Buti na lang pareho pa tayong buhay.